Nagsalita na si Richard Gutierrez tungkol sa kasong kriminal na isinampa sa kanya ng biyuda ng nasawi niyang personal assistant sa aksidente. Isiniwalat ng aktor na P4 milyon umano ang hinihingi sa kanya ng pamilya ng pumanaw na tauhan.
Sa panayam ng entertainment show na StarTalk nitong Sabado kay Richard, mariing pinabulaanan ng aktor ang alegasyon ni Lorayne Pardo, asawa ng pumanaw na si Nomar, na wala siyang tulong na ibinigay sa pamilya ng nasawing personal assistant.
Kinasuhan ni Lorayne si Richard ng reckless imprudence resulting to homicide dahil ang aktor ang nagmamaneho ng kotseng sinasakyan nila Nomar nang maaksidente ito sa Cavite noong Mayo 22.
“Right now siyempre, nalulungkot ako sa mga lumabas na statement galing sa wife ni Nomar. Nalulungkot din ako dahil alam ko kung ano ang nangyari, its was an accident, alam nating lahat na aksidente ang nangyari," pahayag ni Richard sa panayam ng Startalk.
Pagpapatuloy ng aktor: “Naiintindihan ko na nasasaktan sila ngayon pero ako rin naman nasasaktan dahil nawalan ako ng kaibigan, si Nomar. Kung tutuusin mas madalas kong kasama ‘yon kaysa pamilya niya kasi halos araw-araw kaming magkasama sa trabaho."
Gusto kong kumuha ng education plan hanggang college para makapag-aral ang mga anak. Pero hindi naman nila tinanggap, hindi nila tinanggap ang gusto kong tulong na galing sa puso ko, ang gusto nila P4 million cash.
Iginiit ni Richard na walang may gusto sa nangyaring aksidente na kung tutuusin ay kamuntik na rin niyang ikamatay. Nagkataon lang umano na hindi pa niya oras kaya siya nakaligtas sa nangyaring sakuna.
Idinagdag ng binata na hindi totoo ang mga pahayag ni Lorayne sa media na pinabayaan niya ang pamilya nito mula nang mamatay si Nomar.
“Gusto ko ring sabihin na yung unfair statements na sinabi tungkol sa akin hindi totoo ‘yon. Ang katotohanan po n’yan, sinasabi nila na wala silang natanggap kahit piso, ang totoo po n’yan after maaksidente; hindi dahil obligado akong magbigay (kundi) dahil gusto kong tumulong dahil alam ko nawala si Nomar, dahil gusto kong tumulong sa pamilya nila, dahil bago pa mawala si Nomar sinabi nya sa akin na ang goal lang daw niya sa buhay n’ya ay mapaaral ang mga anak n’ya," ayon kay Richard.
“So, yun ang gusto kong ibigay sana, gusto kong ibigay na mapaaral ang mga anak ni Nomar hanggang college. Gusto kong kumuha ng education plan hanggang college para makapag-aral ang mga anak. Pero hindi naman nila tinanggap, hindi nila tinanggap ang gusto kong tulong na galing sa puso ko, ang gusto nila P4 million cash," kuwento ng aktor.
Sinabi rin ni Richard na kahit noong nabubuhay pa si Nomar ay tinulungan na niya sa pagpapaaral ang panganay nitong anak.
“Ang totoo po n’yan hindi ko lang inaamin sa nanay ko (kay Annabelle Rama) dahil alam kong magagalit siya sa akin. Pero bago pa pumanaw si Nomar pinaaral ko po yung panganay na anak sa eskuwelahan," ayon kay Richard.
Hindi ako papayag sa settlement, any settlement. I want justice for my husband.
Humingi raw ng tulong sa kanya si Nomar para sa edukasyon ng panganay na anak nang malaman na tumutulong ang aktor sa programa ng World Vision na nagpapaaral ng mga bata.
“Nalaman ni Nomar na tumutulong ako sa World Vision para magpaaral ng mga bata. Sinabi n’ya sa akin kung pwede ko siyang tulungan na paaralin yung panganay nya, at alam ni Lorayne ‘yan. Loreyne alam mo ‘yan na tumulong ako na paaralin ang panganay nyo. Hindi mo puwedeng sabihin na wala aking pakialam sa pamilya ninyo dahil bago pa pumanaw si Nomar I already cared, andun na yung care ko sa pamilya nila," pahayag pa ng aktor.
Iginiit din ng abogado ni Richard na si Atty Agnes Maranan, na walang dapat panagutan ang aktor sa nangyaring trahedya dahil hindi umano iyon kagustuhan ng kanyang kliyente.
“This is an accident no one is to blame and certainly there is no criminal liability for what happened. But because it is already in judicial system already, in prosecutorial system magpipresinta na kami ng ebidensya," aniya.
“Pero maipapakita namin na Richard was never negligent, ‘di siya nag-neglect, wala siyang na-commit na crime. Marami, yung mismong imbestigador na who first came on scene sinabing accident prone ‘tong lugar na ‘to, I think ika-pito na si Richard sa accident nila, so no one can be blame for an accident, biktima rin siya ng pangyayari," pagdiin ni Maranan.
Sa hilaway na video footage ng Startalk, nanindigan naman si Lorayne na hustisya sa pagkamatay ng kanyang asawa ang habol niya sa pagsasampa ng kaso kay Richard at hindi dahil sa pera.
"Hindi ako papayag sa settlement, any settlement. I want justice for my husband," pahayag ng biyuda ni Nomar. - Fidel Jimenez, GMANews.TV