MARAMING NAGKOKOMENTO NA sinusuwapang (ito ang terminong ginagamit ng mga pumupuna) ng ABS-CBN ang pagko-cover sa mga kaganapan sa pagyao ng unang babaeng pangulo ng Pilipinas.
Totoong malaking bentahe ng istasyon ang pagkakaroon ng anak ni dating Pangulong Corazon Aquino sa kanilang kuwadra. Napakabilis nilang makakuha ng mga detalye dahil kay Kris Aquino. Pero ang katuwiran ng marami, hindi lang naman naging pangulo ng Dos si Tita Cory kundi dating pangulo ng bansang Pilipinas.
Maihahanap ng katuwiran kung bakit mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, nakatutok ang ABS-CBN sa lahat halos ng detalye tungkol sa pagpanaw ng dating Pangulong Cory.
Kung matatandaan, taong 1986 nang maluklok na siyang pangulo ng Pilipinas ay saka lang naibalik sa mga Lopez ang kanilang mga ari-arian at establisimyentong kinamkam ng rehimeng Marcos.
Napakalaki ng utang na loob ng mga may-ari ng ABS-CBN kay Tita Cory. Nahawakan nilang muli ang Meralco, ang kanilang pahayagan, lalung-lalo na ang kanilang istasyon.
‘Yun ang ugat ng kuwentong kalat na kalat sa loob at labas ng ABS-CBN na malalanos ang lahat ng mga artista ng ABS-CBN, malalaki at maliliit, pero si Kris Aquino, mananatiling namamayagpag sa istasyon bilang pagtanaw ng utang na loob ng network sa kanyang pamilya.
Kulang na kulang pa ang beinte kuwatro oras sa maghapon para bigyan ng pagpapahalaga ng ABS-CBN si Tita Cory. Kung puwedeng magdagdag pa ng oras ay gagawin ng network, para maiparamdam lang nila sa yumaong dating lider kung gaano kamarkado sa kanila ang ginawa ni Tita Cory na muling maangkin ang mga pinaghirapan nilang ari-arian na inagaw nang walang kalaban-laban ng sinundan niyang lider sa loob nang 20 taon.
PERO MAY KATUWIRAN din ang ibang network. Isang dating lider ng bansa ang namayapa, malaking pampublikong pigura si Tita Cory na hindi maaaring angkinin ng isang istasyon lang.
Kahit anong network, maaaring mag-cover ng mga kaganapan sa kanyang burol, hindi sila dapat pagdamutan ng network na sinasabing pinakamalapit sa puso ng pamilya. Dahil si Tita Cory ay naging dating pangulo ng bansa at hindi ng ABS-CBN lang.
Pero magagaling ang mga utak na nagpapatakbo sa departamento ng News And Current Affairs ng GMA-7. Hindi sila nagpapahuli sa balita. Kung ano ang naipalalabas sa ABS-CBN, ganu’n din ang puwersa ng mga balitang inilalabas ng Siyete.
Limitado ang kanilang ginagalawan kung tutuusin, hindi tulad ng Dos na halos nakahain na sa kanila ang produkto. Pero sa pagpapalipat-lipat namin ng panonood sa magkabilang istasyon, kapuri-puri ang ginagawang coverage ng GMA-7.
Sa isang Journalism class ay sinasabi, “Kundi mo kayang kunin ang ugat ng balita, lagi mong tatandaan na meron pang mga sanga, dahon at bulaklak na puwede mong tutukan at bigyan ng pagpapahalaga.”
Maraming humihiling na sana’y huwag nang lumutang pa ang network war sa pagkakataong ito. Laging isinisigaw noon ni dating Pangulong Cory Aquino ang pagkakaisa, ang pagkakasundo ng mga nagbabangayang puwersa. Nakakahiya namang isipin na sa mismong burol pa niya mararamdaman ng marami ang pag-alsa ng network war sa pagitan ng Dos at Siyete.
INILIPAT NA ANG mga labi ni dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Cathedral kahapon ng tanghali. Du’n na magmumula ang grupo para sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan.
Pinag-uusapan pa ngayon kung ano ang magiging ruta ng libing, hindi pa tiyak kung masusunod ang pagdaan ng funeral march sa monumento ni dating Senador Ninoy Aquino sa Makati, ‘yun daw ang hiling ng marami nilang tagasuporta bago tuluyang ilibing sa Manila Memorial Park sa Parañaque ang dating lider.