Naging kontrobersyal ang dapat sana’y simpleng pakiusap lang ni Willie Revillame na itigil pansamantala ang pagpapalabas ng video footage ng lamay ng dating pangulong Cory Aquino, habang palabas ito ng La Salle Greenhills papuntang Manila Cathedral last Tuesday. Aware si Willie sa naging reaksyon ng tao, pero aniya, malinis ang kanyang kunsensya. Nakausap ng ABS-CBN.com ang host ng Wowowee sa mismong dressing room niya at agad na nilinaw ni Willie ang isyu. “Oo nga eh, tinitira nga ako. If you will notice, hindi naman ako nakapag-offend nu’n, tapos titirahin na ako ng lahat. Hindi naman sa ipinagtatanggol ko ang sarili ko, but the point is…ganito ang nagyari riyan,” nag-pause muna si Willie bago siya nagpa-tuloy magsalita muli.
“Noong Monday ‘pag pasok ko, sinabi ni Phoebe (Anievas, Wowowee’s executive producer), Kuya, baka ma-preempt tayo. Ang sabi ko, bakit? Magbi-vigil tayo. Ang sabi ko, that’s good. Maya-maya, sabi, ‘Kuya, okay lang ba na mag-tape tayo for tomorrow?’ So, Monday ‘yun tapos Tuesday, nakapag-taping na kami, Wednesday, wala dahil preempted na ‘di ba? Sabi ko, good para makapag-bakasyon tayo. So, nag-tape na ako ng opening, ‘Giling-Giling,’ tinape ko na lahat. Nag-stop na kami sa ‘Willie of Fortune’, kasi magla-live na raw,” tuloy-tuloy pang kuwento ni Willie na talagang hindi rin niya maintindihan kung bakit tila napasama pa ang kanyang mga sinabi on air.
“Sabi ko, ba’t mala-live na naman tayo? Eh, ‘yun daw ang order. Nanonood lang ako dito (sa loob ng dressing room), dahil tinape na namin ang unang portion, eh. Ang unang portion, ‘yung ‘Giling-Giling’ at ‘Cash o Bukas,’ ‘yung ‘Willie of Fortune,’ wala pa. So, habang nanood akong mag-isa rito, nagigiling-giling kaming lahat, ininsert ngayon ‘yung kabaong ni Tita Cory. So, tinawagan ko si Tita Linggit (Tan, head of TV Entertainment Production),” paliwanag pa ni Willie.
Ini-isa ngayon ni Willie ang punto niya kung bakit siya nagsalita ng ganoon ere, na unfortunately hindi naging maganda ang dating sa ibang tao. “Sabi ko, Tita Linggit, ano ba naman ‘yan, ang pangit. Ang pangit sa atin ‘yan. Nagluluksa, nagdadalamhati ang sambayanan tapos makikita nilang nagsasaya tayo. Tinanggal naman (footage). Eh di tinanggal na, okay na. Tapos, nag-live na. ‘Willie of Fortune,’ eh di, masaya. Tapos nu’ng may dalawang contestant na babae, ayun, pinasok na naman. Doon na ako nag-react. Imagine, sinabi ko na eh, so parang wala ba kayong pakiramdam? So sana, pinreempt na lang natin nag-show na Wowowee. ”
Ayaw na lang banggitin ni Willie kung sino man ang nag-order ng mga ganoong sistema that time, ayon pa sa TV host, inamin naman ng mga kinauukulan na, they were the ones at fault. Dagdag pa ni Willie, sa kasagsagan ng kontrobersyang ito, tinanong daw niya ang ABS-CBN, kung may kasalanan siya o wala? “Wala, pero ‘yung manner. Manner? Tinawag ko na sa inyo ‘yan offcam. From there, call na naman sa “Willie of Fortune.” Si Tita Linggit, nagalit din siya roon eh, kasi inorder na rin nila, eh, hindi ko naman alam kung saan naggaling ‘yun, kung sa news or saan.”
Aminado si Willie, worried ang ABS-CBN dahil sa mga text brigade that they have been receiving after the said incident. Pero dahil malinis ang kunsensya ni Willie at mariin niyang sinasabi na hindi niya intensyon ang makasakit, kaya niyang harapin ang lahat ng bumabatikos sa kanya. Nagti-text din sina Willie at Kris Aquino, they are in touch, at mismong si Kris pa ang nagsabi kay Willie na nagpapa-abot ang buong pamilya nila ang pasasalamat at sinabi pa ng bunsong anak ni Tita Cory, ang misnan ay pinasaya rin ni Willie ang yumaong dating Pangulo. “Sabi ni Kris, ‘pag binabati mo sina Josh at Baby James, ngumingiti ang mommy ko.”