Sa wakas ay nakilala na rin ni Angelica Panganiban ang tunay niyang mga magulang. Sa kanyang exclusive interview sa The Buzz kahapon, eksplosibo ang pag-uusap nila ni Boy Abunda kahapon dahil inamin ni Angelica na isa pala siyang ampon.
Kuwento ng dalaga, bata pa lamang siya ay nakakaramdam na siya na hindi siya tunay na anak ng kinikilalang ina dahil may mga naririnig-rinig siya sa ilang tao sa kanyang paligid subalit hindi niya umano ito pinapansin dahil takot siya na baka mali ang kanyang akala.
Isang araw daw pagkatapos ng taping ng Banana Split ay kinausap raw niya ang kanyang kasama-kasamang pinsan na ang pakiramdam daw niya ay alam ang lahat ng nangyayari sa kanilang buong pamilya. Sinabi raw ni Angelica sa pinsan na pakiramdam niya ay ampon siya. Hindi raw kumibo ang pinsan at umiyak na lamang. “Wala akong reaksyon pumasok lang ako ng CR. Tiningnan ko ‘yung sarili ko parang blangko,” ani Angelica. “Gusto kong linawin na wala akong naramdamang galit. Naramdaman ko (ay) inggit kasi hindi pala ako part ng family na kinalakihan ko. Para sa akin ang perfect nung lahat.” Naging mahirap daw sa kanya pagkatapos ang harapin ang kanyang pamilya dahil baka raw may masasabi siyang hindi maganda at nasasaktan sila.
Nang makausap ang nakilalang ina, sinabi raw nito sa aktres na wala talaga silang balak itago ang totoo subalit nagbago raw ito nang maging artista siya. Para na rin mapangalagaan ang reputasyon ng aktres ay naghintay na lamang sila na tumanda si Angelica para kaya nang ipagtanggol ang sarili.
Natuklasan daw ni Angelica na pumanaw na pala ang kanyang tunay na ina two years ago sa Singapore. Noong Mahal na Araw daw ay binisita niya ito sa kanyang puntod para pasalamatan at nagbulong siya na mahal niya ito kahit hindi niya nakilala. Thankful din si Angelica sa nakagisnang pamilya dahil hindi raw ipinaramdam sa kanya na kakaiba siya.
Nalaman daw ni Angelica na kaya raw siya ipinamigay ng ina ay dahil hindi siya kayang buhayin nito. “Minabuti na ibigay ako sa pamilyang may-kaya sa mga panahong iyon. Sinasabi nga ni Mama, ‘Yung nanay mo kahit napapanod ka na sa TV at kumikita ka never tumawag at humingi o para guluhin kami,’” kuwento ng aktres. Ang pagkakaalam naman daw ng kanyang Amerikanong ama ay nasawi na sila sa isang aksidente at hindi nakauwi dahil na-destino sa Arizona, USA para sa kanyang trabaho.
Simula raw naman noong March ay nagkaroon ng pagkakataon si Angelica na matunton ang isang Mark Charlson na siya palang ama niya. Nakakapag-usap daw ang dalawa through the Internet. Simula nga raw noong March, tanggap nang tanggap ng shows abroad si Angelica para makita ang ama. Subalit sa tuwing nangyayari naman daw ito ay biglang hindi magpaparamdam ang ama at nakaramdam siya ng pagod. Pero sinabi ng aktres sa kanyang ama na hindi siya naghahabol at gusto lamang niyang makilala ang ama.
Isang malaking kaganapan ang nangyari nang mag-birthday si Angelica noong Nobyembre. “Nung birthday ko po ‘yung Mama ko po nagpunta sa bahay. Then may gift siya sa akin na isang CD. ‘Yun na pine-play nga namin bigla na lang lumabas siya (ang ama), binabati niya ako. ‘Hi Angel, happy birthday, surprise it’s your dad.’ Hindi ko ma-explain ‘yung pakiramdam kasi nanggaling pa sa pamilya ko ‘yung ganong klaseng regalo,” kuwento ng aktres. “Hindi ko po masabi sa kanila (na nakikipag-communicate siya sa ama) kasi baka sumama ang loob nila. Baka iniisip nila hindi ako naging masaya sa kanila, kaya hinahanap ko ‘yung tatay ko. Kaya malaking bagay po na pinuntahan pa siya ng tita ko sa Iowa para makuhanan ng birthday greeting para sa akin. And then nung araw ng birthday ko tinawagan niya ako. ‘Yun ‘yung first time na nag-usap kami. Narinig ko pa lang ‘yung boses niya, iyak ako nang iyak.”
Noong huling linggo ng Nobyembre ay tumulak si Angel sa USA at doon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makita ang ama at makasama ang isat-isa ng limang araw. “Ang sarap, para pong magic,” paglalarawan niya. Binigyan daw niya ng mahalagang alaala ang ama. “Nung nanalo po ako sa Star Awards, siyempre sobrang happy ko, so dinala ko ‘yung trophy papunta don. Sabi ko that’s for you. Syempre gulat na gulat na siya. ‘Yun ang pinakaunang Best Actress award ko and bilang siya ang tatay ko, gusto ko nasa kanya, Tito Boy dahil sa kanya ako galing.”
Mas mahirap daw nang magpaalam sila sa isa’t isa pero gayunpaman, kahit maikli man ang panahon ay naging masaya at makabuluhan ito sa aktres. “Five days kulang na kulang pero ‘yun ‘yung pinakamasayang five days ng buhay ko.”
Courtesy: Push.com.ph