Tweet
Nagsampa ng reklamo si Cherry Pie Picache at ang kanyang manager na si Ed Instrella sa Philippine Artists Managers Inc. (PAMI) at sa ABS-CBN, laban sa character actor na si Baron Geisler.
Ayon sa balita, dinakma umano ni Baron ang dibdib ni Cherry Pie sa taping ng Noah, isang primetime show sa ABS-CBN, noong isang linggo.
Ang karakter ni Cherry Pie sa Noah ay si Rebecca, ang ina ng love interest ng pangunahing karakter ni Joem Bascon. Ginagampanan naman ni Baron si Caleb, isa sa mga kontrabida sa programa.
Lasing umano si Baron sa taping ng Noah nang mangyari ang insidente.
Sa simula raw ay nararamdaman lang ni Cherry Pie na iba na ang hipo ni Baron sa kanya. Ngunit hindi pa rin umano niya napigilan ang paghawak ng aktor sa kanyang dibdib bago matapos ang taping.
Dahil dito, nagalit agad si Cherry Pie at nagreklamo sa produksyon ng Noah, kaya agad namang pinatay ang karakter ni Baron sa show matapos ang insidente.
Ngayong gabi, January 17, nagreklamo na nga sila sa PAMI (Professional Artists Managers, Inc.) at management ng ABS-CBN "with the hope that similar incident will not happen again."
Ayon sa manager ni Baron na si Arnold Vegafria, hindi pa niya natatanggap ang kopya ang sulat ng manager ni Cherry Pie sa PAMI, kunsaan din siya kabilang.
Hindi na bago kay Baron ang ganitong akusasyon.
Noong May 21, 2009 ay binastos na rin umano ng aktor ang Kapuso actress na si Yasmien Kurdi sa isang taping. Nasa arraignment stage pa hanggang ngayon ang kasong acts of lasciviousness at unjust vexation na isinampa ni Yasmien laban kay Baron noong May 25, 2009.
Si Baron Geisler ay isang dramatic actor na nakatanggap na ng ilang acting awards mula sa pagganap niya sa ilang indie films tulad ng Jay (2008) at Donor (2010).