Tweet
“Ate Marian, sana po punta ka po rito para makita ko po bago mawala ang isa kong mata." Ito ang hiling ng anim na taong gulang na batang babae sa aktres na si Marian Rivera bago tuluyang mawala ang kanyang paningin.
Ang simpleng kahilingan ni Ginalyn Piscador ay ipinakita sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, mula sa ulat ni GMA News reporter Mariz Umali.
Si Ginalyn, mula sa Baguio City, ay nakikipaglaban sa sakit na kanser sa mata at kasalukuyang nasa East Avenue Medical Center kung saan sumasailalim siya sa chemotherapy Taong 2006 nang madiskubre ang sakit ng bata na noo’y isang taon at siyam na buwang gulang pa lamang.
Dahil sa cancer, inalis ang kanang mata ni Ginalyn. Pero noong nakaraang taon, natuklasan na umabot sa kaliwang mata ng bata ang cancer. Dahil nakakakita pa ang isang mata, sinubukan kung maisasalba ito sa pamamagitan ng therapy.
Ngunit habang tumatagal ay lumalala ang kalagayan ng bata at umabot na sa stage 5-B ang cancer, ang pinakamalalang kondisyon ng nakamamatay na sakit. Para maisalba ang buhay ni Ginalyn, kailangang isakripisyo ang kanyang natitirang paningin.
Sa susunod na dalawang linggo ay isasalang si Ginalyn sa radio therapy na magiging sanhi ng kanyang pagkabulag. At sa murang edad, batid ng bata ang pagsubok na kanyang pinagdaraanan.
Idinadaing niya ang pananakit ng mura niyang katawan. Hangad niyang gumaling na para hindi na raw siya turukan. Nais din niyang magkaroon sila ng matitirhan sa Maynila habang nagpapagamot upang hindi na sila bumibiyahe ng malayo at umaakyat sa bundok.
Pero sa kabila ng mga ngiti sa labi ni Ginalyn, hindi maaalis ang dobleng sakit na nararamdaman ng isang ina para sa kanyang anak.
“Minsan po parang hindi ko matanggap, minsan nga parang gusto kong ilipat ko na lang mata ko sa kanya," naluluhang pahayag ni Rosalie, ina ng bata.
Kapag nakita ang kanyang iniidolong si Marian, sinabi ni Ginalyn na, “puwede na." Na ang ibig sabihin ay puwede na ring mawala ang kanyang nalalabing mata.
Ang pagkikita
Sa ulat ng 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Mariz na ipinaalam nila kay Marian ang kahilingan ni Ginalyn at hindi naman umano nagdalawang-isip ang aktres na ipagkaloob sa bata ang hiling nito.
Sumama si Marian sa ospital, at habang kinakausap ni Mariz si Ginalyn, biglang pumasok sa kuwarto ang Kapuso star para surpresahin ang bata.
“Kilala mo ko?" tanong ni Marian. “Si ate Marian po," tila nahihiyang tugon pa ni Ginalyn bago sila nagyakapan ng idolo.
Hindi lang presensiya ang ipinagkaloob ni Marian kay Ginalyn, nagdala rin siya ng mga regalo tulad ng mga damit, sandals, rosaryo, at iPod. Kahit may sakit, mahilig kumanta si Ginalyn at nagpamalas pa ng sayaw sa kanyang idolo.
Ipinasyal din ni Marian si Ginalyn sa GMA Network kaya nagkaroon pa sila ng pagkakataon na makapag-usap habang nasa sasakyan. Sa GMA ay ipinakita ni Marian ang kanyang naging costume sa pinagbidahan niyang fantaserye na Darna.
“Masaya po, kasi natupad na ang pangarap ko…sana po malakas sila kagaya ko rin po," payo ni Ginalyn sa ibang may karamdaman.
“Parang nakaka-touch lang, bago kunin yung paningin niya ako yung gusto niyang makita," ayon kay Marian. “Napakasuwerte ko na may mga bata na hinihiling na makita ako."
Pagtatapat ni Marian, napaiyak siya nang malaman ang kuwento ni Ginalyn.
Bagaman alam na posibleng mawala na ang kanyang paningin, buo ang loob ni Ginalyn sa pagharap sa kinabukasan.
“Gusto ko po na makapag-aral pa po kahit wala na ang isa kong mata, gusto ko pong maging singer saka duktor," aniya.
Sa susunod na ilang linggo ay maaaring hindi na makita ni Ginalyn ang kanyang paligid, pero kahit nakawin ng sakit na cancer ang kanyang paningin, mananatili na sa kanyang alaala habambuhay ang mga masasaya at magagandang bagay na kanya nang nakita.
Courtesy: Fidel R Jimenez, GMANews.TV