Pumalag sa The Buzz kahapon si Ruffa Gutierrez sa pagdemanda ng reckless imprudence resulting to homicide ni Lorayne Pardo, ang naiwang asawa ni Nomar Pardo na pumanaw nang sumalpok ang sasakyan na minamaneho ni Richard Gutierrez sa Cavite noong Mayo. Pauwi na umano sa Maynila si Richard kasama ang PA na si Nomar at isang body guard na si George Mastura mula sa isang taping. Nabangga ang minamanehong sports car subalit nakaligtas sina George and Richard.
Ani Lorayne, nais niya ng katarungan sa pagkamatay ng kanyang asawa. Nang halungkatin kasi niya ang wallet ng nasirang asawa ay may nakitang Land Transportation Ticket para kay Richard para sa reckless driving na may petsang February 5, 2009. Sinabi rin ni Lorayne na hindi umano siya papayag sa anumang settlement mula sa pamilya Gutierrez.
Paliwanag ni Ruffa, nauunawaan umano ng kanyang pamilya na mahirap ang mamatayan at maaaring may plano pa ang Diyos para kay Richard na nakaligtas mula sa aksidente. “Richard was very careful. Hindi siya nago-over speeding, hindi po siya nakainom. Kung nasasaktan sila, nasasaktan din kami,” paliwanag ng actress-host. “Hindi naman siguro ginusto ni Chard ‘yung nangyari kay Nomar,” depensa pa ni Ruffa. “As a matter of fact muntik na rin siyang mamatay dito kasama si George ang kanyang bodyguard.” Aniya pa, malapit na kaibigan si Nomar para kay Richard na kasa-kasama niya kahit sa ibang bansa. “To the Pardo family, if you’re grieving, kung nawalan kayo ng kapamilya si Chard din po nawalan ng isang mabuting kaibigan. Kung kayo nagi-grieve kami rin nagi-grieve,” rason ni Ruffa.
Sa official statement na binasa ni Ruffa mula sa kapatid na si Richard, sinabi ng aktor na aksidente ang nangyari at hindi ito ginusto ninuman. Hindi umano siya naging pabaya at wala siyang krimeng ginagawa. Ayon pa sa official statement, hindi niya umano obligasyon ang tumulong dahil aksidente ang naganap subalit handa umano itong magbigay ng tulong, partikular ang suportahan ang pagpapaaral sa dalawang naiwang anak ni Nomar. Tinanggihan naman umano ng pamilya Pardo ang tulong mula sa pamilya Gutierrez.
Pinayuhan naman ni Ruffa ang kapatid na maging matapang sa gitna ng mga pagsubok na dumarating sa kanya at buong pusong susuportahan niya umano ang nakababatang kapatid sa kanyang laban.