Dahil sa tagumpay na ginagawa ngayon ng remake ng Mara Clara na ginagampanan ngayon nina Kathryn Bernardo at Julia Montes, may bali-balitang gagawan din ng remake ang "Mula Sa Puso" na dating pinagbidahan naman nina Claudine Barretto at ng namayapang Rico Yan.
Ang Mula Sa Puso ay unang nag-air noong March 1997 at tumagal ng mahigit dalawang taon. Natapos ito noong April 1999.
Ito ang nagbigay daan upang mas makilala si Claudine at tanghalin bilang Drama Queen. Isa ito sa pinakamatagumpay na soap opera ng Kapamilya Network na nagpeak pa sa 56.5% ratings noong ito'y pinapalabas.
Ito rin ang nagbigay daan upang mapansin si Princess Punzalan na naging kontrabida ni Claudine dito. Naging bukang bibig ng madla ang pangalang Selina noong mga panahong yaon.
Matapos ang television airing nito. Dinala naman ito sa pinilakang tabing kung saan naging hit din ito sa box office.
Halaw ang title ng soap na to sa kantang pinasikat ni Jude Michael. Nilikha naman ito ni Venie Saturno.
Si Wenn Deramas naman ang naging direktor nito.
Fast forward. Wala pang linaw kung matutuloy ito pero napag-uusapan na. Kung sino ang gaganap bilang Via, Gabriel, Selina at Nay Magda ay ating abangan sa darating na panahon.
Courtesy: Showbiz Spotlight